34 pamilya apektado sa sunog sa Pasay; halos P500-K ng ari-arian natupok
Job Manahan, ABS-CBN News
Published February 17, 2024 08:11 AM
MAYNILA — Sampung bahay ang natupok sa Barangay 54, Pasay City nitong Biyernes, umabot naman P480,000 ang halaga ng mga ari-arian ang napinsala.
Sumiklab ang sunog 6:19 ng gabi at inakyat agad sa first alarm nang makarating ang taga-Bureau of Fire Protection – Pasay City.
Ayon sa BFP, 6:37 p.m. inakyat ito sa second alarm at naideklarang fire out ng 8:46 p.m.
Sabi ng investigator na si FO2 Arnold Hidalgo, 34 pamilya ang apektado.
Dalawa ang nagtamo ng galos sa katawan habang nakaramdam naman ng hirap sa paghinga ang isang 63-anyos na lalaki.
“Hindi nagkulang ng tubig kasi na-prevent agad. ‘Yung lugar na nasunog, pinagmulan ng apoy ay light materials,” sabi ni FO2 Hidalgo.
Walang naisalbang gamit si Nonie Dizon at sabi niya mabilis na kumalat ang apoy.
“Kaya hindi kami nakapagsalba ng gamit dahil dikit-dikit ang bahay. Walang kahit ano. Sunog talaga,” ani Dizon.
Umaaasa si Dizon na may tulong na mabibigay ang LGU sa mga nasunugan.
“Magkaroon lamang ng damit, kahoy at materyales para mapagawa ulit,” dagdag niya.
Nangako ang barangay na mabibigyan ng tulong ang mga apektadong residente.
“Sa ngayon inaantabayanan pa namin ang mga pamilyang naapektuhan dahil may mga pamilya na hindi pa dito tumutuloy. Nandoon pa sa gilid,” sabi ni Kagawad Eman Numbre.
Nangangailangan ang mga apektadong residente ng pagkain, hygiene kit, banig, kumot, at at damit.
Pansamantala munang silang manunuluyan sa gymnasium ng barangay, sabi ng opisyal.
“Wala nang iba silang puwede tuluyan. For the meantime, dito muna sa atin,” aniya.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog.
Nagpaalala si FO2 Hidalgo magdoble ingat at huwag iiwanang nakasindi o nakasaksak ang ilang gamit at gadgets na posibleng dahilan ng sunog.
“Huwag mag-iwan ng electrical appliances tulad ng ilaw, electric fan. Puwede ‘yan mag-overheat. O hindi kaya mga kandila kapag walang kuryente sa bahay, mag-ingat sila diyan na hindi nila malimutan dahil ‘yan talaga ang cause of fire na, nakikita namin sa investigation,” ani Hidalgo.
SOURCE: https://news.abs-cbn.com/news/2024/2/17/34-pamilya-apektado-sa-sunog-sa-pasay-city-800

